Epektong K-12 sa Mag-aaral at sa Lipunan

Epekto ng K-12 sa Mag-aaral at sa Lipunan
                  
Ang dating administrasyon ang nagpalukala ng programa nitong kung tawagin ay K+12. Ito ay ang pagdaragdag ng taon sa Basic Education ng bansa. Sa programang ito ay hindi na tatanggapin sa unang grado ang batang hindi nag-kinder bilang unang hakbang sa pagpapatupad nito. At ang isa pa ay ang dalawang taong dagdag  sa high school na ibig sabihin ay magkakaroon ng tinatawag na Senior High. Sa loob ng dalawang taon sa Senior High ay maaaring mamili ang isang estudyante ng kanyang espesyalisasyon na Technical/Vocational course o isport at iba pang pagpipilian.
Ang programang ito ay naglalayong mapataas ang kalidad ng edukasyon ng bansa. Ang Pilipinas na lang kasi ang bukod tanging bansa sa Asya ang may pinakamababang bilang ng taon sa Basic Education. Suportado ang programang ito ng ilang sektor tulad ng mga nasa negosyo. Sa ganitong paraan diumano ay maari ng makapagtrabaho ang mga Pilipino kahit high school lang ang tinapos.
Napakalaki ng problema ng bansa pagdating sa edukasyon. Sa mga pampublikong paaralan pa lamang ay masyadong siksikan sa mga silid. Bukod sa walang maayos na bentilador ay hindi na rin matutukan ng maayos ng mga guro ang kanilang mga estudyante sa sobrang dami. Ganito ang sitwasyon sa Metro Manila.
Naiiba naman ang kwento pagdating sa mga malalayong lugar sa bansa. Naririyan ang mga estudyante na maraming oras ang ginugugol sa paglalakad ng ilang milyang layo makarating lang sa paaralan. Mas malala pa sa iba, dahil tumatawid pa sa ilog at peligro ang inaabot tuwing umuulan dahil sa rumaragasang baha. Mayroon ding dagat pa ang nilalangoy. Ganito kahirap ang dinaranas nila para lang makapagtapos sa elementarya at high school. Kung mahina-hina ang loob ay napipilitan na lang silang tumigil. Ayon na rin mismo sa Kagawaran ng Edukasyon ay malaki rin ang kakulangan ng mga silid, aklat at guro sa bansa. Sa kabila ng maraming tapos at lisensyadong guro ay may kakulangan pa rin. Inirereklamo rin nila ang mababang pasahod sa mga guro. Taon-taon rin ay naglilimbag ng aklat pero kinakapos pa rin. Ang matagal ng problemang ito ng bansa ay matagal ng pinagpasa-pasahan ng ilang nagdaang administrasyon.
Sa pagpapasimula ng Pamahalaang Aquino sa K+12 program na ito ay mistulang dinadagdagan lang ang problema sa edukasyon ng bansa. Napakaganda ng layunin nito pero tulad ng ibang programa ay hindi naman naaangkop ang pagpapatupad nito. Bakit kaya hindi muna unahin ang mga kasalukuyang pagkukulang ng pamahalaan sa kasalukuyang suliranin. Kumpletuhin ang mga kulang na silid paaralan. Magbigay ng mga aklat na tama ang nilalamang impormasyon. Magdagdag pa ng mga guro at dagdagan ang kanilang sahod at benipisyo.
Hindi dapat gumaya ang Pilipinas sa ibang bansa na dinagdagan ang bilang ng taon sa pag-aaral upang tumaas lang ang kalidad ng edukasyon. Hindi nasusukat sa dami ng taong pinasok sa eskwelahan ang katalinuhan ng tao. Kaya namang matutunan ng mga Pilipino ang dapat na matutunan sa kasalukuyang umiiral na sistema. Ang katunayan dito ay ang mataas na kalidad ng edukasyon sa mga pribadong paaralan. Dahil ito ay suportado ng mga kagamitan at tamang pagtutok sa pag-aaral ng mga bata ng kanilang magulang. May mga nananalo pa ngang estudyanteng Pilipino sa mga patimpalak sa ibang bansa.
Kung dadagdagan ng taon ang pag-aaral ay malulunasan ba nito ang kahirapan? Mababawasan kaya nito ang mga drop out? Kung sa ngayong sistema pa nga lang ay marami na ang drop out ay paano na kaya kapag tuluyan ng ipinatupad ito. Kahit sabihin pang libre ang pag-aaral sa mga pampublikong paaralan ay gumagastos pa rin ang mga magulang sa mga pang-araw-araw na baon ng mga bata. Ibig sabihin nito kapag dinagdagan ng taon ay panibagong dalawang taon din ang dagdag pahirap sa mga magulang. Ang sinasabing para makapagtrabaho na kahit high school lang ang tinapos ay hindi rin totoo. Sa kasalukuyan, kahit may mga tinapos sa kolehiyo ay hirap makahanap ng trabaho. Karamihan dito ay mga nagsipagtapos ng Nursing.
                  Bakit hindi baguhin ng pamahalaan ang paglunas sa problemang pang-edukasyon ng Pilipinas. Halimbawa nito ay ang malawakang pagpapatupad ng distant learning sa mga malalayong lugar. Nandiyan na ang teknolohiya ng Internet. Maaring sa halip na araw-araw na pasakit sa pagpasok sa eskwelahan ay gawing lingguhan na lang. Pwede ring gamitin ang telebisyon sa pamamagitan ng paggawa ng mga educational channel na panonoorin ng mga bata na kasabay ng turo sa aktwal na panahon sa paaralan. Marami pang alternatibong paraan ang naghihintay na linangin para makatulong sa pag angat ng edukasyon ng Pilipinas. Nagagamit na ito sa ibang bansa.

                 Ang K+12 ay hindi sagot sa suliranin ng bansa pagdating sa edukasyon. Ito ay dagdag problema at walang malinaw na direksyon at hindi napapanahon. Huwag na sanang gawing mas komplikado ang problemang ito sa pamamagitan ng isang solusyong sa huli ay magiging dagdag pa pala sa suliranin.

Mga Komento

Mag-post ng isang Komento

Mga sikat na post sa blog na ito

Ang Maling Pag-ibig